Moncada_Tarlacmoncadabanner

Welcome Message

Maligayang pagdating sa MONCADA!

Ang inyong abang lingkod ay lubos ang pasasalamat sa muli ninyong iginawad na suporta , tiwala at pagtanggap sa amin sa muling pagkakataon na makapaglingkod sa ating bayan.

Nawa’y mas mapalaganap natin ang pagkakaisa at pakikipagtulungan sa bawat isa upang ang hangaring mas matugunan ang pangangailangan ng ating mga kababayan ay patuloy nating makamit.

Malasakit ang isang natatanging maipapangako ng inyong lingkod, sampu ng ating mga kasamahan sa Sangguniang Bayan na pinangungunahan ng ating kagalang-galang na Bise Alkalde Jaime “Jiggs” Duque.

Ang MALASAKIT SA BAYAN ay ating maipapa-abot sa pamamagitan ng mga proyektong naglalayong makapagbigay ng komportableng pamumuhay sa ating mga nasasakupan. Ang pagpapatayo ng mga gusali, daan, at iba pang modernong pasilidad na siyang magiging daan sa progresong ating pinapangarap. Ang pagpapanatili ng peace and order ay mahalagang paraan upang mapanatili ang pagusad at progreso sa ating bayan, kung saan tayo mas nakilala dahil sa ating low crime rate.

MALASAKIT SA MGA MAMAMAYAN lalong lalo na sa mga nasa laylayan ng ating lipunan. Atin pong pagsusumikapan na makapagbigay ng tulong pinansiyal at mga pangkabuhayan sa ating mga kababayan. Isa ring prayoridad ng ating lokal na pamahalaan ang mapa-igting ang serbisyo publiko sa mga senior citizens, out-of-school youth, mga kababaihan at kabataan.

MALASAKIT SA PONDO NG BAYAN. Sa nakalipas na mga taon ay naigawad sa atin ng magkasunod ang Seal of Good Local Governance o SGLG ng Department of the Interior and Local Government. Ito ay malaking patunay na tayo ay sumusunod sa mga itinakda ng batas upang mas mai-angat ang kalidad ng ating serbisyo publiko. Kabilang dito ang pagsunod natin sa tamang pag-gamit ng ating pondo, ng mga buwis na sama-sama nating binuno upang mapaganda at mapagbuti pang lalo ang ating pamamahala sa ating bayan ng Moncada.

Muli po, tayo ay nagagalak sa lubos-lubos na tiwalang iniatang ninyo saaming mga balikat bilang inyong mga Lingkod Bayan. Asahan po ninyo na amin po itong pagsusumikapang maibalik sa pamamagitan ng isang tunay at walang pagaatubiling MALASAKIT sainyong lahat dito sa ating Bayan.

Maraming salamat po at pagpalain tayong lahat ng Maykapal!

Mabuhay ang MONCADA!

Seeing is believing.

Mayor Estelita M. Aquino